NEWS AND UPDATES
‘Spirituality’ in mental health R&D forum, isinagawa ng DOST-PCHRD
Dinaluhan ng mga mananaliksik, practitioners, mga tagapagbigay pangangalaga sa mental health, at mga kinatawan ng religious group ang isinagawang “Spirituality in the Philippine Mental Health Research and Practice” public forum na pinangunahan ng Department of Science and Technology – Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) noong ika-14 ng Disyembre, 2022 sa Philippine International Convention Center, Pasay City.
Layon ng pagtitipon na ipaalam ang naging resulta ng mga roundtable discussion (RTD) na isinagawa noong nakaraang taon, 2021, kasama ang iba’t ibang lider ng faith-based groups at researchers na tumalakay sa spirituality bilang parte ng pananaliksik, therapy at recovery ng mga taong may kondisyon sa pag-iisip. Hangad din ng RTD na malaman ang mga pamamaraang ispiritwalidad na makakatulong para maiwasan ang pagkakaroon ng ganitong uri ng karamdaman.
Ang isinagawang serye ng mga RTD ay bahagi ng mga naging suporta ng DOST-PCHRD sa layunin ng Philippine Council for Mental Health (PCMH) na ipakilala ang biopsychosocial spiritual framework na nagbigay ng siyentipikong perspektibo sa pagdagdag ng spirituality sa bagong dimensyon na ito ng Mental Health.
“Kailangan nating i-reframe ang mental health at i-reorient ang mga tao para makita nila na may apat na dimensyon sa mental health na kailangang matugunan. Ang ating karanasan sa mga sakuna, kasama ang mga kababaihan na sumailalim sa karahasan o domestic violence, sekswal na pang-aabuso sa mga bata, gutom, kahirapan, at hindi pagkakapantay-pantay ng ekonomiya, ang nagturo na maiangat ito sa mas siyentipikong oryentasyon, mula sa tradisyunal na pagtingin [We have to reframe mental health and reorient people for them to see that there are four dimensions in mental health that need to be addressed. Our experience with disasters, with women subjected to domestic violence, sexual abuse of children, hunger, poverty, econ inequality, has to lead us from a traditional to a more scientific orientation],” saad ni Dr. Lourdes Ignacio, Professor Emeritus sa Unibersidad ng Pilipinas.
Ibinahagi rin sa forum ang mga paksa o research topics kaugnay ng spirituality na isasama sa National Mental Health Research Agenda (NMHRA), sa pag-asang ang mga pananaliksik sa ilalim nito ay makakatulong sa pagpapahusay ng mga polisiya at pagpapabuti ng serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa Pilipinas, pati na rin sa buong mundo.
“Nais kong pasalamatan ang PCHRD Mental Health Research Advisory Group (MH-RAG) para sa kanilang hindi natitinag na dedikasyon upang magtukoy ng research topics kaugnay ng spirituality para sa National Mental Health Research Agenda, [We are grateful to the PCHRD Mental Health Research Advisory Group (MH-RAG) for their unwavering dedication and commitment to work with us in identifying topics on spirituality and religiosity that should be researched on and be incorporated in the National Mental Health Research Agenda],” ani Dr. Jaime Montoya, Executive Director ng PCHRD.
Kabilang sa mga resource speakers na naglahad ng technical presentations ukol sa paksa sina Dr. Michael Tan, Professor Emeritus in Anthropology sa University of the Philippines – Diliman; Sister Mary John Mananzan, Vice President for External Affairs sa St. Scholastica’s College; Dr. Ma. Lourdes “Honey” Carandang, Clinical Psychologist at Founder ng Mindfulness, Love, and Compassion Institute for Psychosocial Services, Inc.; at si Dr. Allan Bernardo, isang Distinguished University Professor sa De La Salle University – Manila.
Binigyang klaro naman ni Dr. Sarah Jane A. Jimenez, S&T Fellow ng Mental Health R&D Program ng DOST-PCHRD, na ang aktibidad na ito ay hindi naglalayong mag e-endorso ng kahit na anong relihiyon o paniniwala, at sinigurado rin nyang mas lalo pa nitong paiigtingin ang scientific integrity o integridad sa pagsasagawa at pagbibigay suporta sa pananaliksik ukol sa spirituality.
Dumalo rin sa pagtitipon ang mga miyembro ng PCHRD MH-RAG na eksperto rin sa larangan ng mental health, kasama si Professor Emeritus Dr. Lourdes Ignacio, Dr. Arsenio Alianan Jr, at Dr. Carl Abelardo Antonio.
Bilang pagtatapos, hinikayat ni Dr. Ignacio ang mga mananaliksik sa mental health na magsumite ng proposals ayon sa NMHRA upang makatulong sa pagbuo ng evidence-based na ideya at mas mapalago ang programa ng mental health R&D sa bansa.
Nasa pitumpu’t-anim ang naitalang dumalo sa pagtitipin sa PICC, samantalng higit sa tatlong daan naman ang dumalo sa live broadcast sa Zoom, at abot isang-libo’t pitong daan ang nanood sa Facebook livestream. Mapapanood rin ang replay ng forum sa Facebook page ng DOST-PCHRD.