PCHRD, binigyang pugay ang mga naging katuwang sa health research


PCHRD, binigyang pugay ang mga naging katuwang sa health research

Binigyang pugay ang kontribusyon ng mga Pilipinong mananaliksik at mga naging katuwang ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) sa idinaos na palatuntunang pinamagatang, “Pagpupugay at Pasasalamat: 40 Taon ng Pananaliksik Para sa Pilipino,” noong ika-10 ng Hunyo, 2022 sa Philippine International Convention Center (PICC), Lungsod ng Pasay.

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng PCHRD, binigyan ng sertipiko ng pagpapahalaga ang mga mga Technical Reviewers, Technical Working Group, Technical Advisory Group, Partner Institutions, Regional Health Research and Development Consortia, Philippine Biomedical Device Innovation Consortium, PNHRS Week Regional Host, mga miyembro ng media, mga miyembro ng DOST-PCHRD Governing Council, mga nagdaang direktor ng PCHRD, at mga opisyal sa DOST. Kasama rin sa mga dumalo ang mga kasalukuyan at nagdaang staff ng PCHRD. 

Ikinagagalak kong magkaroon ng oportunidad upang magbigay-pugay at magpasalamat sa mga natatanging katuwang ng DOST-PCHRD sa pagtataguyod ng ikabubuti ng pananaliksik pangkalusugan. Mula sa paglikha ng mga teknolohiya, pagdiskubre ng bagong mga kaalaman, pagdadala ng mga inobasyong gawang-Pinoy sa merkado, pagsusulong ng mga batas at polisiyang pangkalusugan, at hanggang sa pagdala ng mga importanteng impormasyong pangkalusugan sa publiko, ang bawat isa sa inyo ay bahagi ng pag-unlad ng mga sistemang pangkalusugan sa bansa sa pamamagitan ng pananaliksik,”  pahayag ni Dr. Jaime C. Montoya, Executive Director ng DOST-PCHRD.

Isa sa mga itinampok sa programa ay ang paglunsad ng PCHRD Health Research and Technology (HeaRT) Awards, layunin nito na mabigyang parangal o pagkilala ang mga indibidwal at institusyon na may natatanging ambag sa pagkamit ng mithiin ng PCHRD. Ang “Call for Nominations” ay inaasahang magaganap sa ikatlong quarter ng taon at ang pagpaparangal ay magaganap sa susunod na anibersaryo ng DOST-PCHRD.

Dagdag pa ni Dr. Montoya, hangad ng PCHRD na sa harap ng mga darating pang pagsubok at pagbabago, patuloy pa ring maging katuwang ng Council ang mga ito.

…hanggang sa ating mapagtibay ang ating mga sistema, hanggang sa ating mailapit ang mga serbisyong pangkalusugan sa ating mga komunidad, at hanggang ating makamit ang kalusugang pangkalahatan o universal healthcare, nawa ay mas lumawak ang ating pagtutulungan.

Nagbigay rin ng mensahe si DOST Secretary Fortunato de la Pena na dumalo rin at kinilala sa naging serbisyo at suporta nito sa PCHRD:

Ako ay nagagalak na masaksihan ang pagbibigay-pugay at pagkilala sa lahat ng Pilipinong siyentista, mananaliksik, at mga katuwang ng PCHRD sa pananaliksik. Kami ay lubos na nagpapasalamat sa inyong serbisyo para sa bayan gamit ang siyensya upang makapagbigay solusyon sa mga isyu at problemang pangkalusugan na kinakaharap ng bawat Pilipino.

Ang pananaliksik sa larangan ng kalusugan ay may mataas na halaga sa lipunan, sapagkat maaari itong magbigay ng mahahalagang impormasyon tungkol sa mga sakit, mga resulta ng paggamot, kasama na ang mga interbensyon na maaring gamitin upang mas mapabuti ang ating healthcare. Napakahalaga ng tungkuling inyong ginagampanan sapagkat sa likod ng bawat pagtuklas ng bagong gamot o teknolohiya, at sa bawat Pilipinong nabibigyan ng serbisyong medikal ay ang inyong kontribusyon at aktibong papel sa pananaliksik.”

Pinasalamatan ni Dr. Montoya ang lahat ng dumalo sa PICC, pati na rin ang mga lumahok sa pamamagitan ng virtual platform:

Sa misyong ito, kami, sa DOST-PCHRD, ay laging handang maglingkod sa mga Pilipino kasama niyo. Isang kagalakan ang makatuwang kayo sa marami pang taon ng ahensya.”

Nagtanghal din sa nasabing event sina Isay Alvarez, at kanyang asawa na si Robert Seña, ang Bayanihan, ang Pambansang Kumpanya ng Sayaw ng Pilipinas, at ang ilang mga batikang manunula na sina Bong Cabrera, Liway Perez, Pere Santiago, at Vince Conrad.

Skip to content
Verified by MonsterInsights