NEWS AND UPDATES
Mga pinarangalan ng Best Mentor in Health Research Award, tampok sa media conference ng DOST-PCHRD
Ibibida ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) ang mga Pilipinong tagapagturo o mentor sa larangan ng health research na pinarangalan ng Best Mentor in Health Research Award noong 2021 sa unang Talakayang HeaRT Beat media conference ngayong taon na gaganapin sa ika-27 ng Enero, 2023 sa pamamagitan ng Zoom at Facebook livestream.
Layon ng konseho na bigyan ng sapat na impormasyon ang media, mga mananaliksik pati na ang nagsisilbing “mentors” sa health research ukol sa nasabing programa, at hikayatin ang publiko na magsumite ng nominasyon para sa susunod na parangal na gaganapin ngayong taong 2023.
Ang Best Mentor in Health Research Award ay ginaganap lamang sa kada dalawang taon bilang pagkilala at pagbibigay gantimpala sa mga nagsisilbing tagapagturo at tagapagbigay payo dahil sa kanilang kahusayan sa mentorship na nagreresulta sa pagiging produktibo ng kanilang mentees sa health research.
Kasama sa mga pinarangalan ng Award na dadalo sa media conference ay sina Rev. Fr. Alfredo V. Corpuz, Assistant Dean ng College of Health Sciences, University of Northern Philippines, Prof. Agnes L. Llamasares-Castillo, Ph.D., R.Ph., Associate at Academic Researcher ng Department of Pharmacy, University of Santo Tomas, at si Dr. Erna C. Arollado, Direktor ng Institute of Pharmaceutical Sciences, College of Pharmacy, University of the Philippines Manila. Kabilang rin sa mga tagapagsalita sina DOST Secretary Sec. Renato U. Solidum at DOST Undersecretary for Research and Development Usec. Leah J. Buendia.
Sa kanyang mensahe, inaanyayahan ni Dr. Jaime C. Montoya, PCHRD Executive Director, ang mga miyembro ng press at media na dumalo sa Talakayang HeaRT Beat. “Kami ay nagpapasalamat sa suportang binibigay ng ating mga kaibigan mula sa media. Makakaasa kayo na amin pang paiigtingin ang pagpaprating sa mas maraming Pilipino ng sapat at wastong impormasyon tungkol sa health research. Sa kauna-unahang press-conference ng PCHRD ngayong taong 2023, ipapakilala namin ang Best Mentor in Health Research Award, pati na ang mga pinarangalan sa ilalim ng programang ito noong 2021. Inaasahan namin ang inyong pagdalo at pagsuporta sa pagpapaalam nito sa ating mga mamamayan,” ani Dr. Montoya.
Mapapanood ang media conference sa DOST-PCHRD Facebook page. Ang lahat ng interesadong dumalo ay maaring magrehistro sa link na ito.