CALLS AND EVENTS
DOST-PCHRD Iskolars magbabahagi ng kanilang mga karanasan sa Italya sa Talakayang HeaRT Beat
Upang ibahagi ang kanilang mga karanasan bilang mga foreign scholars sa Italy, dadalo sina Doctor Loraine Kay Cabral at Noel Salvoza sa ikalawang sesyon ng Talakayang HeaRT Beat sa Pebrero 23, 2023.
Sina Cabral at Salvoza ang unang dalawang Pilipinong iskolar sa ilalim ng PhD in Molecular Biomedicine Scholarship Program na nilikha sa pamamagitan ng kasunduan ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD), University of Trieste (UNITS), at Fondazione Italiana Fegato (FIF).
Mula noong 2019, nakapaglimbag na ang mga iskolars ng mga resulta ng kanilang mga pag-aaral sa mga scientific journals at nagtalakay na rin sila ng kanilang mga gawa sa iba’t ibang mga maka-agham na pagpupulong sa ibang bansa. Kamakailan lamang, pinarangalang “Highly Cited Paper Award of 2022” sina Dr. Salvoza kasama ang kanyang co-authors na sina Dr. Pablo Giraudi, Dr. Claudio Tiribelli, at Dr. Natalia Ross, para sa kanilang review paper na pinamagatang, “Sex differences in non-alcoholic fatty liver disease: hints for future management of the disease” na inilathala sa Exploration of Medicine journal noong 2020.
Ang tatlong-taong PhD program ay nakatuon sa molecular hepatology na napapaloob sa PhD Program ng Molecular Biomedicine sa UNITS kung saan kabilang ang basic research at mga clinic na nakatuon sa pag-aaral ng molecular approach sa cancer biology, genetics, jaundice, at metabolic disease.
Binigyang-diin ni PCHRD Executive Director na si Dr. Jaime Montoya ang mga layunin ng programa at ang kahalagahan nito sa pagsasanay ng mga de kalidad na mananaliksik sa larangan ng molecular biomedicine.
“Nais naming magbukas ng oportunidad para sa mga karapat-dapat na mag-aaral na makapag-aral at makakuha ng kanilang PhD degree sa ibang bansa, at tiwala kami sa kanila na makakapag-ambag sila sa pandaigdigang kompetisyon at pag-unlad ng ekonomiya ng bansa, makabuo ng makabuluhang health research, at paghusayin ang kakayahan sa biomedical research sa hinaharap,” sabi ng Executive Director. Inaasahan din na ang mga iskolar na makipag-ugnayan sa FIF para pag-aralan ang Liver Network at palawakin pa paggamit ng basic at clinical research.
Ang mga iskolar sa programang ito ay makakatanggap ng mga benepisyo tulad ng mga pambayad sa matrikula, living allowance, allowance sa libro, outright dissertation grant, travel/health and accident insurance, isang round-trip na pamasahe mula Pilipinas papuntang Italy, at pre-departure expenses.
Makakasama rin ng mga iskolar at ni Dr. Montoya sa session sina DOST Secretary Renato Solidum, Jr., Undersecretary for Research and Development Leah Buendia, at Institution Development Division Officer-in-charge Bb. Paula Jane De Leon.
Nagsimula noong 2019, ang Talakayang HeaRT Beat ay isang buwanang press conference na nagpapakilala at nagbibigay ng pinakabagong update sa mga programa at serbisyo ng DOST-PCHRD sa publiko.